Saturday, August 23, 2008

Itsura ng Solar system yupi: NASA scientists





WASHINGTON – Yupi at hindi bilog ang ating solar system. Ito ngayon ang masusing pinag-aaralan ng mga scientists. Dahil ayon sa kanila, nakayupi diumano at hindi pabilog ang itsura ng buong solar system kung sisilipin ng malayo, base sa nadiskubre ng National Aeronautics and Space Administration o NASA.

Base sa nakuhang mga larawan ng dalawang NASA space probes matapos makarating sa pinakadulong labas ng solar system o sa tinatawag na “helioshealth” na kung saan namamalagi ang solar winds.

Sa tulong narin ng naipadalang mga larawan ng dalawang NASA space probes, ang Voyager 1 at 2, napatunayan ang solar system ay tila yupi at parang naipit ng isang malaking kamay sa isang gilid at nakapasok sa loob.

Matagal rin pinaniwalaan na bilog o spherical ang itsura ng buong solar system ngunit kailangan baguhin ang lahat ng naitala sa kasaysayan at mga larawan ng buong solar system, ayon kay Leonard Burlaga, astrophysicist ng NASA’s Goddard Space Flight Center sa Greenbelt.

Sinimulan noong 1977, ipinadala ng dalawang space probes NASA sa kalawakan upang siyasatin ang buong solar system, ang mga planeta, ang araw at ang buong kalawakan at ang Voyager 1 ay pinadala sa hilaga, 12.5 billion kilometers ang layo mula sa araw at ang Voyager 2 naman ay sa timog, 1.6 billion ang lapit sa araw.

Sa kanilang natuklasan, nakayupi diumano ang solar system dahil sa magnetic field na bumabalot sa buong star system ng Milky Way Galaxy at naapektuhan ng magnetic fields ang solar system, dahil sa interstellar turbulence na nagmula sa isang malaking star explosion, base sa paliwanag naman ni Ed Stone, isang scientist ng Voyager project.

Mukhang kailangan baguhin agad ang modelo ng ating solar system, akala kasi sa mga librong naitala sa astronomiya, ang itsura ng solar system ay pabilog o rounded dagdag pa ni Burlaga.

Ilang taon parin ang gugulin para maabot ang labas ng solar system upang maisagawa ang pangunahin misyon ng mga Voyagers para libutin ang buong kalawakan. I 30 I

Sinaunang kompyuter nadiskubre




Napakahalaga ngayon ng kompyuter sa mga tao, halos lahat ng bagay sa mundo ay pinapatakbo na ng mga kompyuter, mula sa mga gamit ng opisina, tranportasyon, o kahit anong larangan hanggang sa mga tahanan. Sobrang napakahalaga na ng kompyuter sa buhay ng tao.

Pinaniniwalaang nagmula ang kompyuter sa imbensyon ni Blaise Pascal noong taon 1640, matapos maimbento ang mechanical calculator. Pero, may nadiskubre ang mga siyentista na isang uri ng kompyuter na maaaring ginagamit mula pa noon mga sinaunang panahon sa larangan ng astronomiya.

Nadiskubre noong 1900 ni Elias Stadiatis, isang Griyego, sa isang sirang sinaunang bangka ang mahiwagang bagay na umaabot sa 2,000 ang edad at pinaghihinalaang ginagamit ng mga astronomer noong unang panahon sa pag-aaral ng mga planeta upang alamin ang araw ng pagkakaroon ng lunar at solar eclipse.

Pinangalanan itong Antikythera, mula sa pangalan ng isang isla sa bansang Greece, kung saan nadiskubre ang sirang sinaunang barko, na halos kasinlaki lamang ng isang kahon ng sapatos at gawa sa isang bakal.

Ayon kay John M. Steele, ng University of Durham sa England, kabilang sa Antikythera Mechanism Research Project, napatunayan sa kanilang pagaaral at sa pamamagitan na rin ng tulong ng X-ray computer tomography. Ang kasangkapan pala ay ginagamit ng sinaunang Greek scientists sa pag-aaral ng galaw ng mga planeta at sa eclipse.

Pinaniniwalaang may kapasidad ang Antikythera na malaman ang galaw ng mga planeta. Gamit ang pihitan nito, ituturo kung kailan magkakaroon ng solar at lunar eclipse. Sa pamamagitan ng pabilog na hugis kamay na parang orasan, iikot ito at ituturo ang eksatong petsa kung kailan magaganap ang solar at lunar eclipse.

Nakita rin sa x-ray ng kompyuter Tomography ang 30 tansong gears at 225 ngiping napakalibot dito, bukod sa maraming simbolong nakaukit at hindi pa mabatid ng mga scientist ang gamit, dahil sa kinakalawang at sira-sira na ng madiskubre ang naturang bagay.

Walang nabanggit sa kasaysayan ng bansang Greece tungkol sa nadiskubreng mekanismo, suspetsa ng mga mananaliksik, naimbento ito ni Hipparcus, isang astronomer na nabuhay noong 190 BC at kanyang nalaman ang tamang hugis ng Araw at ang buwan.

Tinaguriang ancient computer ang Antikythera dahil sa kanyang hugis. Nababalot ng hiwaga ang paraan kung paano ito gagamitin, ngunit ang kasiguraduhan, maaaring ang mga sinaunang tao ay maunlad nang nabubuhay. I 30 I

Plutoids magiging pangalan sa mga tulad ng Pluto




Matapos ang dalawang taon bansagan ang magiging kategorya ng mga dwarf planets, nagpasiya ang International Astronomical Union (IAU) sa kanilang taonan pagtitipon, na bibigyan na ng pangalan ang mga transneptunian dwarf planets, katulad ng Pluto.

Inimungkahi ng IAU Committee on Small Body Nomenclature (CSBN) na “Plutoid” ang magiging pangalan sa mga katulad ng Pluto, sinang-ayunan ng IAU Working Group for Planetary System Nomenclature (WGPSN) at na pinagtibay ng IAU Executive Committee sa kanilang pagpupulong sa Oslo, Norway kamakailan.

Mula sa pangalan Pluto, ang Plutoid, plutoïde sa French o sa Spanish plutoide, ay kauri ng isang planeta na lumilibot paikot sa Araw, may malayong distansya sa Planetang Neptune, may gravity, bilog ang hugis ngunit ang pinagkaiba nito sa isang planeta ay di mabatid o walang kasiguraduhan ang klase ng kanyang lupain.

Ayon sa IAU, dalawang halimbawa ang Plutoids – ito’y ang Pluto at Eris. Ang Ceres ay isang dwarf planet kung pagbabatayan ang kanyang klasipikasyon at distansya sa planetang Neptune. Ito’y nasa pagitan ng planetang Mars at Jupiter at nagtataglay ng sariling uri sa ilang mga aspeto ng bagay.

Kilala ang IAU sa pagbibigay pangalan sa mga planeta at buwan. Mula pa noong taon 1900s, sila na ang responsable sa pagbibigay ng bansag o pangalan ng mga planeta dito sa ating Solar System. IAU CSBN naman ang nagbibigay pangalan sa mga planeta. Ang IAU WGSPN naman ang tumitingin kung tama at walang magiging katulad ang kanilang pangalan. Silang dalawa ang nagsasaliksik at napapasya sa pagbibigay ng pangalan at saka sasangayunan ng IAU Executive. Ang IAU CSBN at WGSPN ay nagkaisa para magbigay pangalan sa dalawang dwarf planets na Eris at ang kanyang buwan na Dysnomia.

Madadagdagan pa ang ilang pag-aaral tungkol sa ibang Plutoids na maaaring lumilibot sa ating Solar System at sa buong sandaigdigan. I 30 I

Spacecraft Phoenix lumapag sa Mars




Tagumpay na nakalapag kamakailan ang Spacecraft Phoenix sa Mars upang maupinsahan ang masusing pagsisiyasat kung maaring mabuhay ang tao sa planeta.

Ito ang kaunaunahang spacecraft nakababa ng walang problema sa lupa ng Mars, mula ng tangkain ng Viking missions na lumapag noong 1976 ng 11 beses ng mga bansang Estados Unidos, Russia at England.

Gamit ng isang parachute at protective air bags, maayos itong nakarating sa ibabaw ng Mars at nakayanan ang init at mapanganib na hangin dahil gawa ang spacecraft sa pinakamatibay na bakal.

Ginawa ang Phoenix spacecraft upang kumuha ng litrato, maghukay ng lupa, at mistulang robot na napapasunod kahit anong ipag-utos, may computer para madaling suriin ang mga chemicals at bacteria at computer satellite upang makuha agad ng mga scientists sa Mundo ang bawat galaw sa Mars.

Ang pangunahin misyon ng Phoenix ay alamin kung may buhay sa Red Planet, ang maglilibot sa surface at mangalap ng mga impormasyon tungkol sa pinagmulan ng planetang ito.

Marami ng beses nabigo ang misyon sa Mars. Nagmula ang pangalan Phoenix sa isang makasaysayang alamat ng ibon sa Greek Mythology at sumisimbilo ng “muling-pagsilang o rebirth.”

Napatunayan naman ng 900 pound na spacecraft na kayang gampanan ang kanyang tungkulin at nakayanan ang iba’t-ibang klaseng radiation sa Mars.

Umaabot na sa $457 million ang nagastos ng NASA (National Aeronautics and Space Administration) sa spacecraft, mula ng magsimula ang proyekto noong Agosto 2003. #30#

Sangkap para mabuhay ang tao nadiskubre sa buwan ng Saturn

Mukhang totoo ang sinasabi ni Vatican astronomer Rev. Jose Gabriel Funes na meron mga aliens na nabubuhay sa ibang daigdig, matapos matuklasan may mga sangkap para mabuhay ang isang tao ang nadiskubre sa isang buwan ng planetang Saturn.

Napag-alaman ng mga scientists na nagtataglay ng mainam na klima, tubig at mga organic chemicals ang buwan na Enceladus, mga pangunahin sangkap na nagbibigay buhay.

Aksidenteng nasilip ng teleskopyo ng umikot ang Cassini spacecraft noong Marso 12, matapos manggaling sa pagmamasid sa planetang Saturn upang kumuha ng mga datus.

Mayroon itong mga geysers o hot spring na puno ng tubig, isa sa pinakamahalagang sangkap para magbigay buhay sa mga elemento tulad ng carbon dioxide, natural gas at complex organics, kung kaya’t, may posibilidad na kayang mabuhay ang mga tao sa buwan ng Saturn, sabi ni Hunter Waite, ng Soutwest Research Institute.

Katulad ng planetang Mars na kahalintulad ng Mundo (Earth), ang lupa at ang mga kimikong napalibot dito ay tamang-tama sa isang planeta may nabubuhay at ang geysers ay parang bulkan bumubuga ng tubig.

Paliwanag ng mga scientists, sobrang init ang nasa loob ng Enceladus kung kaya’t nagbubuga ng liquid o tubig sa paitaas.

Ayon sa mga scientist ng joint U.S.-European mission, sa ngayon, di pa masasabing may nabubuhay sa Enceladus kahit mayroon itong mga sankap para mabuhay ang isang tao.

Kailangan pang dumaan ng maraming pagsusuri para malaman kung pwede ngang mabuhay ang tao sa Enceladus.

Marami rin dapat pang alamin ang tao, tungkol sa ating Solar System at sa buong Sanlibutan, ngunit walang makakaalam kung kailan mapapatunayan na hindi tayo nag-iisa sa buong kalawakan, dagdag ni Larry Esposito, ng University of Colorado.

Kamakailan, bagama’t magkaiba ang paniniwala ng relihiyon Kristiyanismo at Siyensiya kung paano nalikha ang daigdig, naging kagulat-gulat ang pagkakaroon ng isang taong alagad sa Diyos ang maniniwalang maaaring may mga taong taga-ibang planeta o aliens. -30-

'God particle' matatagpuan na rin?: scientist

Maaaring malalaman na ang "God's particle" kung saan nagmula ang lahat ng bagay, pahayag ni Peter Higgs, 79, isang British physicist sa Geneva.

Mula pa noong 1960, sinubukang saliksikin ni Higgs ang sinasabing mga sangkap ng Diyos na diumano'y pinanggalingan ng lahat na bagay sa buong mundo at naniniwala ito ang naging kasangkapan ng Maykapal sa paglikha ng sangkatauhan.

Balak niyang pangalanan ang elementong ito na "Higgs boson," sakaling matuklasan ang binansagan niyang "God's particle," ang bukod-tanging kasagutan kung saan nagmula ang lahat ng bagay.

Malakas ang kumpiyansa sa sarili si Higgs na matutuklasan niya ang "God's particle," kasama ang mga nangungunang scientists sa European Organization for Nuclear Research o CERN, katulong at ang bagong diskubreng makinang LHC o Large Hadron Collider, isang particle accelerator.

Ang LHC ay ginawa upang isagawa ang mga eksperimento at magsuri sa mga elemento sa mundo. Kaya nitong pagbanggain, pagsamahin at paghiwalayin ang mga particle upang malaman ang pinagmulan ng mga elemento, base sa Quantum mechanics.

Sa ngayon, wala pa ring nadiskubreng "God's particle," ito ang naging balakid sa pinagtatalunang "Big Bang Theory," at kung ang lahat ng bagay sa mundo ay nanggaling sa kamay ng Diyos o sa isang biglaan pangyayari lamang.

Naniniwala ang mga scientist ng CERN, nakaimbento sa LHC, na masasagot na rin ang katanungan ng sangkatauhan kung saan nanggaling ang lahat at kung mapatutanuyang may "God's particle." Sa ngayon, malaki ang paniniwala ni Higgs na iisa lang ang lumikha ng lahat.

Ang Big Bang Theory ay isa sa sinasabing pinagmulan ng Sandaigdigan. Base sa teorya, ang Sandaigdigan ay dating isang "extremely compact dense" at napakainit. Sa hindi malamang dahilan, nagkaroon ng biglaang cosmic explosion na tinawag na "Big Bang" na makalipas ang 13.7 bilyong taon ang Sandaigdigan ay lumawak at lumamig. Ang teorya ay base sa mathematical equations na tinatawag na field equations of general relativity ni Albert Einstein noong 1915. - 30-